Sa inisyatiba ng organisasyong TAGNAWA, ipinagdiwang ngayong araw, Agosto 29, 2023 ang makulay at inaabangang selebrasyon ng Buwan ng Wika. Ito ay dinaluhan ng mga opisyales ng Kampus ng Alaminos, mga guro, at ilang mga mag-aaral suot ang kani-kanilang mga katutubong kasuotan.
Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng pag-awit ng mga himno na agad sinundan ng pagbibigay ng pambungad na mensahe ni Gng. Amalia Ancheta, isa sa instruktor ng programang BSED Filipino. Aniya, “Ang wika ang magiging sandata upang maipagtanggol ang ating ekonomiya”. Nagbigay naman ng isang inspirasyonal na mensahe ang ating Ehekutibong Direktor na si Dr. Jenylyn V. Oboza. Binigyang diin niya sa kanyang mensahe na ang katutubong wika ang magsisilbing instrumento upang makamit ang kapayapaan, hustisya, pagkakaisa at hindi ang pagkakawatak watak ng bawat Pilipino. Nagbigay din ng mensahe si Dr. Ellen Grace B. Ugalde, Dekana ng Kolehiyo ng Edukasyong Pangguro. Binanggit niya sa kanyang mensahe na “ang wika ang magiging kasangkapan upang maipabahagi ang ating mga karapatan at mga marinig ang mga boses ng mga nasa laylayan ng lipunan.โ
Ang tema ng taunang selebrasyon ay, โFILIPINO AT MGA KATUTUBONG WIKA: Wika ng kapayapaan, seguridad at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.โ Isinagawa rin ngayon araw ang iba’t ibang patimpalak upang mahubog ang talento at kaalaman ng mga estudyante patungkol sa wika at panitikan.
Iginawad naman ang mga sertipiko ng pagkilala para sa mga hurado at sa mga mag-aaral na nagtagumpay sa mga inihandang patimpalak ng organisasyon. Bilang pangwakas, nagbigay ng isang makabuluhang mensahe si Dr. Janice Carambas, isa sa tumatayong tagapayo ng organisasyon.