Nagkaroon ng Turn Over Ceremony noong ika-16 ng Nobyembre sa Purita Braganza Building Atrium ng Pangasinan State University, Alaminos City Campus kung saan ipinasa ni Dr. Jenelyn V. Oboza ang kaniyang tungkulin bilang Ehekutibong Direktor ng Kampus kay Dr. Rosario D.L Valencerina. Ito ay matapos ang dalawang taong paglilingkod ni Dr. Oboza sa kampus na nagdala ng mga proyekto at gawain para sa pag-unlad ng kampus at dekalidad na edukasyon sa mga mag-aaral. Binigyang-pugay din si Dr. Oboza sa kaniyang bagong tungkulin bilang Pangalawang Pangulo para sa Katiyakan ng Kalidad ng Pamantasan.
Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng pag-awit ng mga himno sa pamamagitan ng presentasyong biswal. Nagbigay ng pambungad na pananalita si Dr. Charlaine Lopez, Dekana ng Kolehiyo ng Pamamahala at Teknolohiya kung saan binanggit niya ang layunin ng programa. Sinundan agad ito ng mensahe ng pasasalamat ni Dr. Oboza para sa mga opisyales, kaguruan, non-teaching personnel, at mga mag-aaral ng PSU โ ACC. Ibinahagi niya ang mga karanasan at aral na kanyang natutunan sa loob ng dalawang taong panunungkulan sa kampus bilang Ehekutibong Direktor gaya ng pagkakaroon ng kababaang-loob, paggalang, at makataong pamumuno. Dagdag pa niya, sa kabila ng takot na inatas sa kanya ay buong puso niyang tinanggap ang hamon upang maisakatuparan ang kanyang layunin mapabuti at mapaunlad ang kampus. Maraming man siyang mga pagsubok na hinarap sa kanyang panunungkulan, ang kaniyang dedikasyon at kagustuhan magsilbi ay talagang nag iwan ng mahahalagang aral na hindi makakalimutan ng mga guro at mag-aaral.
Pinangunahan naman ni G. Ronald Noma, Koordineytor para sa Katiyakan ng Kalidad ng Kampus ang pagpapasa ng QMS Manual para sa bagong Ehekutibong Direktor na si Dr. Rosario DL. Valencerina. Nagbigay rin si Dr. Valencerina ng mensahe ng inspirasyon at pasasalamat sa mainit na pagtanggap sa kanya ng lahat. Aniya, gagawin niya ang lahat ng kaniyang makakaya upang ipagpatuloy ang mga nasimulan ni Dr. Oboza.
Sa pagpapatuloy ng programa, nag alay ng mensahe ng pasasalamat para kay Dr. Oboza sina Dr. Ellen Grace B. Ugalde (Dekana ng Kolehiyo ng Panggurong Edukasyon), Dr. Christopher J. Cocal (Faculty Association President), at G. Melchor Tugade (Non-Teaching Association President). Binigyang-diin nila sa kanilang mensahe ang mga aral na napulot nila sa dalawang taong panunungkulan ni Dr. Oboza na kanilang magagamit sa larangang pang-akademiko at pangpropesyunal. Naghanda rin ng presentasyong audio visual ang kampus sa pangunguna ng IT Department na naglalaman ng mga nagawa ni Dr. Oboza na nakatulong para umunlad ang kampus.
Bilang pagtatapos ng programa, nag alay ng pampinid na mensahe si Dr. Agerico F. Oboza, ang Administrative Officer ng Kampus.
Boost a post