Matagumpay na naisagawa ang Gender and Development Orientation and Seminar sa lahat ng mga mag-aaral na nasa unang taon ng Pangasinan State University, Alaminos City Campus. Ito ay sa pangunguna ni Bb. Zarah Jane Anuddin, Gender and Development Coordinator ng PSU-ACC. Ginanap ang nasabing oryentasyon sa Audio Visual Room at nagsagawa din ng blended approach sa pamamagitan ng pagtie-up nito sa MS Teams.

Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng mga preliminaries na agad sinundan ng pambungad na pananalita ni Bb. Anuddin. Nagbigay din ng isang inspirasyunal na mensahe si Dr. Jenylyn V. Oboza, ang Ehekutibong Direktor ng Kampus. Aniya, “Sinisigurado ng ating pamantasan na mabigyang priyoridad, pagtingin, at pagtrato ang lahat ng mag-aaral anumang kasarian siya nabibilang”.

Nagbigay naman ng kaalaman tungkol sa Protection Awareness Campaign for Men and Women ang Police Community Affairs Development sa pangunguna ni PSSg Doress M. Agustin. Binigyan diin ng kanyang talakayan ang

kahalagahan ng pagkakaroon ng kamalayan sa Batas R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 upang hindi mabiktima ang mga mag-aaral sa mga ilegal na druga. Dagdag pa niya, PREVENTION IS BETTER THAN CURE kaya iwasan na lang ang mga ilegal na droga. Tinalakay din ni PCPT Roderick Antonio ang ilang mga suhestyon at pamamaraan kung paano sugpuin at maiwasan ang pagkaabuso sa droga. Isa na rito ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman tungkol sa droga.

Ipinaliwanag naman ni Bb. Carmie Gina Vinluan ang kahalagahan ng pagkatuto sa karapatang pantao ng mga kababaihan sa pamamagitan ng pagtalakay sa R.A 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004. Nagbigay siya ng kaalaman kung paano pangalagaan ang karapatang pantao ng mga kababaihan lalong lalo na sa mga walang kakayahang protektahan ang kanilang sarili. Aniya, ang pag-aabuso sa mga kababaihan ay hindi pribadong usapin kundi isang krimen. Dagdag pa niya, malaking tulong ang pamilya at komunidad upang masugpo ang pang aabuso sa mga kababaihan.

Huling nagtalakay si Dr. Potenciano D. Conte Jr., Direktor ng Research Services. Pokus ng kanyang talakayan ang Gender Stereotyping in the Academic Community kung saan binigyang diin niya ang pangmadlang pagtingin at kadalasan misconception tungkol sa gawaing pagkakatuto ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng kanilang kasarian. Sa isang pananaliksik ni Dr. Conte, nabigyang linaw na walang naging pagkakaiba ang mga kababaihan at kalalakihan sa kanilang pagkatuto sa Matematika. Isa itong patunay na hindi basehan ang kasarian upang masabing siyaโ€™y nakakaangat sa kasalungat na kasarian.

Mula sa mga impormasyong ibinahagi ng mga tagapagsalita, nabigyang kamalayan at napaalalahanan ang mga mag-aaral na maging alerto sa lahat ng uri ng pag-aabuso upang maprotektahan hindi lamang ang kanilang sarili kundi ang kanilang karapatang pantao.